CEBU CITY – Binigyan nina Nino Camilo La Torre at Kelsey Claire Jaundian ang General Santos City ng dalawang ginto sa swimming sa idinadaos na Philippine National Games sa Cebu City Sports Complex.
Nilunod nina LA Torre at Jaundian ang kanilang mga katunggali upang umabante ang GenSan sa ikalawang puwesto overall sa medal race na may kabuuang 16 medalya (6-4-6) sa likod ng Cebu City na may 20 medalya.
Iniwanan ni La Torre ang mga kalaban sa 400m individual medley 16 boys and above sa bilis na 5:08.81 at nangibabaw si Jaudian sa 400m individual 16 boys and under sa oras na 5:37.46.
Dinomina ng Cebu ang katatapos na National PRISAA Games na ginanap sa kalapit na lalawigan ng Bohol at determinado ang mga Cebuano na isama sa listahan ng kanilang tagumpay ang PNG na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) para makatuklas na mga atletang may potensiyal na katawanin ang bansa sa international competitions.
Ang pambato ng Koronadal City na si Lean Ysidore Dagum ay nagwagi naman sa 100m butterfly 16 and above sa oras na 1:03.55 habang ang kanyang kapatid na si Kevin Troy ay nangibabaw sa 200m breastroke sa oras na 2:21.45.
Nailigtas ni Karen Mae Endaya ang host city sa kahihiyan sa swimming nang manalo sa 200m backstroke 16-above girls sa oras na 2:48.24, laban kina Andrea Marie Punay ng GenSan at Dorothy Miles Valdez ng iligan City na kinuha ang pilak at tanso sa oras na 2:57.27 at 3:03.40, ayon sa pagkakasunod.
Nakatakdang gawin ngayon ang cycling, tampok ang 100km road, individual time trial at criterium sa Danao City.
Magkakasabay ring nilalaro ang iba’t ibang sports tulad ng athletics, dance sports, archery, weightlifting, chess, basketball at iba pang ballgames.
Ang gymnastics ay nilaro sa Rizal Memorial Sports Complex at ang rugby sa Philippine Arena. Ginawa ang gymnastics at rug-by sa Maynila dahil walang pasilidad ang dating Abellana Sports na naging venue ng Batang Pinoy at PRISAA. CLYDE MARIANO
Comments are closed.