CAVITE – UMABOT sa P412,760 halaga ng shabu ang nasamsam sa dalawang high-value target drug dealers makaraang isagawa ng mga awtoridad ang anti-drug operation sa bahagi ng Sitio Niegan, Barangay Paliparan 1, Dasmariñas City, kamakalawa ng gabi.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 ang mga suspek na sina Edgardo “Paceman” Sarimos y Reyes, 52, Sitio Niogan, Brgy Paliparan 1, Dasmariñas City; at Clarissa “Rhiss” Lagman y Juego, 19, ng Phase 1b, block 48, excess lot, Brgy. Acacia, Silang.
Base sa ulat ni P/Major Romulo Co Dela Rea ng Dasmariñas-PNP na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia, lumulutang ang pangalan ng dalawang suspek na pangunahing nagpapakalat ng droga sa nabanggit na barangay.
Kaagad na isinailalaim sa masusing surveillance ng pulisya ang mga suspek kung saan nagpositibo na si Sarimos ay may record ng kasong paglabag sa RA 9165 at na-convict bago pinalaya ng korte sa pamamagitan ng Plea Bargaining noong Enero 2019.
Dito na ikinasa ang anti-drug operation kaya naaresto sina Sarimos at Lagma kung saan nasamsam ang 60.7 gramo ng shabu na may street value na P412,760.
Bukod sa 60 gramo na shabu, nasamsam din sa dalawa ang iba’t ibang drug paraphernalia at P9,500 marked money kung saan isasailalim sa drug test at physical examination ang mga suspek habang pina-chemical analysis naman ang droga sa Cavite Provincial Crime Laboratory Office sa Imus City. MHAR BASCO
Comments are closed.