LAGUNA – MAGKAHIWALAY na nasawi ang tatlong kawatan na kinabibilangan ng dalawang holdaper at isa pang drug pusher matapos magawa umanong manlaban sa pulisya sa lungsod ng San Pedro at Calamba sa nakalipas na magdamag.
Batay sa ulat ni Laguna PNP Provincial Director PCol. Eleazar Matta kay Calabarzon PNP Director PBGen. Edward Carranza, nakilala ang napatay na holdaper sa lungsod ng San Pedro na si alyas Bob, habang patuloy pa ring kinikilala ang isa pa sa kanyang kasamahan samantalang nakilala naman ang napatay na drug pusher na si Hubert Vergara alyas Benjie, ng Brgy. Bucal, lungsod ng Calamba.
Ayon sa report ni PLt. Col. Giovani Martinez, hepe ng San Pedro City PNP kay Matta, dakong alas-4:40 ng madaling araw ng holdapin ng suspek na si alyas Bob at kanyang kasamahan ang biktimang si Evangeline Sta. Ana sa bahagi ng Brgy. Landayan.
Sinasabing lulan ng isang tricycle ang mga suspek ng harangin ng mga ito ang biktima bago tinutukan ng baril kasunod ang isinagawang mabilisang pagtakas tangay ang shoulder bag na naglalaman ng personal nitong kagamitan patungo ng lungsod ng Biñan.
Sa pamamagitan aniya ng nagpapatrolyang mga tauhan ni Martinez, agarang tinugis ng mga ito ang dalawang papatakas na suspek na nauwi sa isang engkuwentro matapos magawang manlaban na agad nitong ikinamatay habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan.
Kaugnay nito, dakong alas-11:15 ng hatinggabi ng magkasa naman ng buy bust operation ang mga kagawad ng Calamba City PNP Drug Enforcement Unit (DEU) sa bahagi ng Brgy. Bucal target ang suspek na si Vergara ng hindi umano inaasahang manlaban ito sa pulisya.
Bagaman agarang naisugod sa pagamutan ang suspek na si Vergara, nalagutan din aniya ito ng kanyang hininga makalipas ang kalahating oras bunsod ng tinamong mga tama ng bala sa kanyang katawan.
Sa talaan, lumilitaw na patuloy ang ilegal na operasyon ng droga ng suspek sa iba’t ibang bahagi ng Calabarzon kung saan narekober ng pulisya ang kalibre 45 baril, medium heatsealed transparent plastic sachet ng shabu na umaabot sa 5 gramo na may kabuuang halaga na umaabot sa P20,000 kabilang ang ginamit na boodle money.
Samantala, narekober naman ng pulisya sa napatay na dalawang holdaper ang personal na kagamitan na pag-aari ng biktima, sinasakyan nilang tricycle, kalibre 38 baril, replika ng kalibre 45 baril, at isang Granada. DICK GARAY