NASA P680,000 shabu ang nasamsam ng mga tauhan ng Quezon City Police District Station 4 sa dalawa nilang nadakip sa buy bust operation noong Sabado sa Novaliches, Quezon City.
Batay sa report na isinumite ni P/Capt. Dennis Francisco hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) kay P/ Lt. Col. Rossel Cejas, QCPD PS – 4, ang mga suspek na nasakote ay nakilalang sina Nora Disominga, 40, tubong Marawi City at nakatira sa Bagong Silang, Caloocan City at Audie Sadia alyas Jun Jun, 28, ng Brgy. Deparo 2.
Lumitaw sa pagsisiyasat ng imbestigador na may hawak ng kaso, na halos isang linggo ding sinubaybayan ng mga operatiba ang naturang mga suspek at nang matiyak nila na positibo ang mga ito sa ilegal na gawain ay agad silang nakipag-ugnayan sa PDEA ng Quezon City at agad na nagkasa ng buy bust operation ang naturang grupo na pinamunuan ni P/Capt. Francisco.
Narekober ng mga operatiba ang 10 piraso ng heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hindi pa matiyak na dami ng shabu, 2 piraso ng medium size na heat sealed transparent plastic na naglalaman din ng hinihinalang shabu, at iba pang mga ebidensiya na kakailanganin sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa dalawang nabanggit na suspek. EVELYN GARCIA