TATLO katao kabilang ang isang menor ang naaresto ng pulisya matapos mahulihan ng 4 na kilo o mahigit P60,000 halaga ng marijuana kagabi sa Tondo.
Kasalukuyang nakapiit sa detention cell ang mga suspek na sina alyas John, 18, residente ng Tondo; Marvin Maui Canlas, 23, at kapatid nito na 15 taong gulang at kapwa nakatira sa nasabi ring lugar.
Ayon kay Supt. Reynaldo Magdaluyo, hepe ng Manila Police District -Raxabago Station (PS 1), nasa 4 na kilo ang marijuana na nakumpiska ng Station Drug Enforcement Unit sa Perla St., corner N. Zamora St., Tondo, Maynila dakong alas-7:00 ng gabi.
Nabatid na ikinasa ang operasyon matapos ituro si Marvin nang isa pang suspek na nauna nang naaresto dahil sa 1 kilo ng marijuana kamakailan.
Itinuturong supplier si Canlas ng marijuana na umano’y kinukuha pa mula sa Kalinga.
Hindi naman itinanggi ni Canlas ang nakuhang marijuana habang ang magkapatid ay wala umanong kinalaman o partisipasyon sa transaksiyon ni Canlas.
Sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang 2 suspek habang ite-turn over naman sa kustodiya ng Manila Social Welfare Development Office ang menor. PAUL ROLDAN
Comments are closed.