QUEZON – INIIMBESTIGAHAN na ng San Andres PNP na pinamumunuan ni Police Captain Java kung election-related ang pananaksak at pamamaril na ikinasawi ng dalawang lalaki na kapwa supporter at leader ng mga naglalabang politiko sa kanilang bayan sa may bahagi ng Sitio Punta Arina at Sitio Tubigan ng Barangay Talisay, San Andres.
Matatandaang noong nakaraang Abril 30,2019 dakong alas-5 ng madaling araw nang matagpuang duguan at tadtad ng saksak si Edigardo Paradero 59, pinaslang habang papauwi ng kanyang bahay galing sa isang handaan at binaril dakong alas-2:30 ng hapon noong Mayo 1, 2019 si Felix Rosales, 51-anyos, habang ito ay namamahinga naman sa kanyang duyan sa harapan ng kanilang tindahan.
Ayon sa hepe ng pulisya na si Java tukoy na nila ang suspek sa pananaksak kay Paradero habang hindi pa nakikilala ang nasa likod ng pamamaril kay Rosales, hindi pa rin malaman ng pulisya ang tunay na motibo ng pamamaslang sa dalawa kung ito nga ay may kinalaman sa nalalapit na eleksiyon.
Samantala, sa naging pahayag sa media sa isang ambush interview kamakailan kay PRO4 Regional Director General Edward Carranza sinabi nito na isang bayan palang ang kanilang kinokonsidera na nasa hotspot at ito ay ang bayan ng General Nakar sa lalawigan ng Quezon. BONG RIVERA
Comments are closed.