MALABON CITY – SWAK sa kulungan ang dalawang hinihinalang drug personalities matapos maaresto ng mga pulis sa isinagawang buy bust operation.
Kinilala ni Malabon Police Chief P/ Col. Jessie Tamayao ang mga naarestong suspek na si Enerlie Zaraga alyas “Ener”, 23, pusher, data analyst ng Blk. 45 Lot 42 Dagat-Dagatan at Ronald Gallardo, 23, user ng Blk. 40G Lot 20, kapwa ng Brgy. Longos.
Base sa imbestigasyon ni PSSgt Ramos Timmago, bandang alas-11:30 ng gabi nang isagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Team (SDET) sa pangunguna ni PLT Rolando Domingo ang buy bust operation kontra kay Zaraga sa Maya-Maya St. Brgy. Longos matapos ang natanggap na impormasyon ng pulisya hinggil sa pagbebenta umano nito ng ilegal na droga sa lungsod.
Nagawang makapagtransaksyon kay Zaraga ng isang pack ng pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P500 ng isang undercover police na nagpanggap na buyer.
Nang magkaabutan ay agad na sumalakay ang iba pang nakaantabay na mga operatiba at sinunggaban ang suspek kasama si Gallardo na sinasabing umiiskor ng droga kay Zaraga.
Nakumpiska sa mga suspek ang apat na plastic sachets na naglalaman ng hindi pa matukoy na halaga ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana, isang gray sling bag at buy bust money. VICK TANES
Comments are closed.