2 LALAKI BINISTAY NG BALA

MAGUINDANAO – HINDI na nagawa pang mailigtas ang buhay ng dalawang lalaki matapos na pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan na nakasakay sa puting minivan sa national highway sa Brgy. Labu-Labu Mother, Shariff Aguak nitong Huwebes sa lalawigang ito.

Ang mga biktima na binawian ng buhay ay kinilala ng Shariff Aguak Municipal Police Station na sina Johari Moksin at Hamod Moksin, kapwa residente ng Brgy. Kulalo, Mamasapano, Maguindanao del Sur.

Sa inisyal na imbestigasyon, ang dalawang biktima ay nakasakay sa isang Honda Sports car at kasalukuyang bumibiyahe nang mag-ovetake sa kanila, ang isang kulay puting minivan at pinagbabaril sila ng mga armadong suspek na nakasakay sa naturang sasakyan.

Isinugod sa ospital ang mga biktima ngunit idineklarang dead-on-arrival ng attending physician.

Narekober sa crime scene ang walong fired catridges ng hindi pa tukoy na klase ng baril na ginamit ng mga suspek.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para alamin kung ano ang motibo sa krimen at tukuyin kung sino ang mga salarin.

EVELYN GARCIA