MAKATI CITY – INALIS na sa kanilang puwesto ang dalawang pulis sa Makati City Police Station matapos na makuhaan ng video na iniimbitahan sa presinto ang isang transgender.
Ayon kay Makati City Police Chief, Police Col Rogelio Simon nabigo ang dalawang pulis na ipaliwanag nang mabuti kung bakit nila hinarang at inimbitahan sa presinto ang transgender na si Anne Pelos nitong Valentine’s day.
Aniya, naglalakad lamang si Pelos kasama ang kanyang mga kaibigan nang harangin ng dalawang pulis sa tinaguriang red district ng lungsod dahil maraming mga bar at spa.
Sinabi ni Simon isasailalim sa retraining at gender sensitivity workshop ang dalawa.
Itinanggi rin ni Simon na mayroon silang Oplan “X MEN” na ang puntirya ay mga LGBTQ Community
Aniya, misundertanding lang ito dahil Oplan Magdalena aniya ang kanilang program na nakatuon sa pagsagip sa mga kababaihan at kasama na rin ang mga miyembro ng LGBTQ na nasasadlak sa prostitusyon. REA SARMIENTO