CAGAYAN – DALAWANG mangingisda ang patuloy na pinaghahanap ng awtoridad matapos na mawala sa malawak na karagatang sakop ng Calayan Island sa lalawigang ito.
Ang dalawang mangingisda ay nakilalang sina Norman Gumarang at Joel Pedronan kapwa nasa edad na 25, at residente ng Dilam, Calayan Island, Cagayan habang sakay ng motorized banca ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Ayon kay Lt. Col. Augusto Padua, commander ng Tactical Operations Group-2 (TOGS) ng Philippine Air Force (PAF) na nakabase sa Cauayan City, Isabela na ginalugad ng kanyang mga tauhan lulan ng kanilang helicopter ang buong paligid nang nasabing isla subalit bigong makita ang dalawang mangingisda.
Ayon sa pamilya ng dalawang mangingisda, pumalaot ang mga biktima sa dagat noon pang Martes, Enero 14, dakong alas-5 ng madaling araw ngunit alas-5 na ng hapon ay hindi pa rin dumarating ang mga ito.
Hanggang sa kasalukuyan, patuloy pa ring sinusuyod ng PAF katuwang ang Philippine coast guard at LGU-Calayan ang karagatang sakop ng lalawigan ng Cagayan na pinaniniwalaang ligtas ang mga biktima at baka nasa mga maliliit na isla lamang napadpad ang mga ito. IRENE GONZALES
Comments are closed.