2 NOTORIOUS MOTORCYCLE THIEVES KALABOSO

JAILED

CAVITE – DALAWANG kawatan ng motorsiklo ang nasakote ng mga operatiba ng pulisya sa itinayong checkpoint sa Molino Road sa Brgy. Molino 2, Bacoor City kamakalawa ng umaga.

Kasong paglabag sa RA 10883 (Anti-Carnapping) ang haharapin ng mga suspek na sina Henry “Dre” Pena y Rossinas, 37, callphone technician, nakatira sa #024 Ignacio Subd., Brgy. San Nicolas 2, Bacoor City; at Dreg Gargonia y Gutierrez, 18, printing shop employee at nakatira sa #342 Basa Compound sa Las Piñas City.

Base sa police report na nakarating sa Camp Pantaleon Garcia, Lumilitaw na pansamantalang inihimpil sa harapan ng St. Michael Cemetery sa Barangay Molino 2 ang motorsiklo ng 25-anyos na biktimang si Janine Rose Lunday kung saan ito ay may bibisitahing kaibigan.

Gayunman, namataan ng dalawang suspek ang motorsiklo ng biktima kaya magkasabwat na ginamitan ng pekeng susi saka pi-naharurot ang sasakyan.

Kaagad na dumulog sa himpilan ng pulisya ang biktima para ipaabot ang naganap na insidente kung saan inalerto naman ang mga pulis na nagmamando sa checkpoint.

Alas-11:45 ng umaga nang masakote sa nasabing lugar ang mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo na kanilang sinikwat mula sa biktima.

Isinailalim na sa physical at medical examination ang mga suspek hang inihahanda ang kaukulang ebidensya para sa pagsasampa ng kasong kriminal. MHAR BASCO

Comments are closed.