PHNOM PENH – Nakasisiguro na sa dalawang gold medals, nangako ang Filipino obstacle racers na magpapakitang-gilas sa individual 100m events sa 32nd Southeast Asian Games ngayong Sabado rito.
Naisaayos ng fancied obstacle racers ang all-Pinoy finals duels sa men’s at women’s individual categories makaraang dispatsahin ang kani-kanilang katunggali sa world record-breaking runs noong Miyerkoles sa qualifying rounds.
Pag-aagawan nina Mark Julius Rodelas, nagtala ng bagong OCR at Guinness standard na 25.092 seconds, at 2019 champion Kevin Pascua, nagposte ng personal best na 26.190, ang men’s crown.
Magsasalpukan naman sina Precious Cabuya, sariwa mula sa kanyang world record 33.128 sa heats, at Kaizen dela Serna, galing sa kanyang sariling best na 34.836, sa eksplosibo ring finale sa women’s division.
Ang finals, nakatakda sa alas-8 ng umaga sa Chroy Changvar Convention Center Car Park, ay magpopormalisa sa pagpasok ng obstacle racing sa overall medal haul ng national delegation na suportado ng Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee, na may dalawa nang golds, dalawang silvers at tatlong bronzes bago ang formal opening rites nitong Biyernes.
“Malaki ang tiwala ko na magiging maganda ‘yung laban sa finals kasi parehas kami ng techniques na ginagawa,” sabi ni Rodelas.
Si Rodelas ay magtatangka sa kanyang unang SEA Games championship makaraang kunin ang bronze sa likod ni winner Pascua, apat na taon na ang nakalilipas sa Manila habang nakatuon din sa 24-second performance.
“One hundred percent ready ako at confident sa match-up namin. Masaya ito, kahit sino sa amin, Filipino ang magwawagi,” aniya.
Ibinahagi ni Pascua ang damdamin ng kanyang katunggali, at sinabing: “Andun talaga ‘yung goal na mag-gold ulit. Pero talagang gusto namin is clean run and no injuries for both of us and to finish the race clean. ‘Yung time parang bonus na lang sa amin. For me, whatever happens, sino man manalo o matalo, nagawa namin ‘yung goal namin na makuha itong spot na ito para sa Pilipinas.”