2 PANG PINOY PASOK SA PARIS OLYMPICS

TUMATAAS ang bilang ng mga Pinoy na sasabak sa Paris, gayundin ang pananabik habang naghahanda ang bansa para sa ika-100 taong paglahok nito sa Olympics.

“Eleven, formally, and counting,” wika ni Philippine Olympic Committee (POC) president Bambol Tolentino nitong Linggo, isang araw makaraang sina  gymnast Levi Jung-Ruivivar at rower Joanie Delgaco ay opisyal na naging ika-10 at ika-11 Filipino Paris Olympian sa loob lamang ng mahigit 24 oras.

Si Jung-Ruivivar ay nag-qualify noong Biyernes ng gabi sa FIG Artistic Gymnastics World Cup sa Doha kung saan nagwagi siya ng silver medal at nakakuha ng sapat na qualification points upang maging ikatlong Filipino gymnast na sasabak sa Paris matapos nina Carlos Yulo at Aleah Finnegan.

Nitong Linggo ng umaga, si Delgaco ay tumapos sa fifth sa 2,000 meters ng women’s single sculls sa  World Rowing Asian and Oceania Olympic at Paralympic Qualification Regatta and Asian Rowing Cup sa Chungju, South Korea, sapat para makakuha ng ticket sa Paris.

“Congratulations to our new qualified Olympians,” sabi ni Tolentino sa kanyang official Facebook page, binanggit na si Delgaco ang unang Filipina rower na nag-qualify sa Olympics.

 “Their dedication, perseverance and exceptional talent are an inspiration to us all.”

“The POC extends its heartfelt congratulations and best wishes for continued success as they compete in Paris 2024,” ani Tolentino. “The entire Philippines stands behind you.”

Sina Jung-Ruivivar at  Delgaco ay kapwa surprise packages sa Olympic qualifiers, halos 100 araw bago ang Paris Olympics.

Si weightlifter Rosegie Ramos ay hindi opisyal na ika-12 Pinoy na nag-qualify sa Paris habang hinihintay ang kritikal na anunsiyo ng International Weightlifting Federation sa roster para sa Games.

Ang bansa ay may garantisado ring tatlong qualifiers— isa sa athletics at dalawa sa swimming— sa ilalim ng universality rule upang maging 15 ang bilang ng Filipino Olympian ‘unofficially’.

“We expect more of our athletes to be in Paris as the qualifiers in various sports are still being conducted,” sabi ni Tolentino.

Pasok na rin sa Paris sina pole vaulter Ernest John “EJ” Obiena, boxers Eumir Felix Marcial, Nesthy Petecio at  Aira Villegas at weightlifters Vanessa Sarno, Erleen Ann Ando at John Febuar Ceniza.

CLYDE MARIANO