PAMPANGA- HINARANG ng mga tauhan ng Bureau of Immigration ang dalawa katao sa isinagawang human trafficking operation sa Clark International Airport na lilipad sana patungong Bangkok, Thailand.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, ang dalawang pasahero ay nagkunwari umanong mga turista.
Hindi umano nagtutugma -tugma ang mga impormasyon na ibinabahagi ng dalawa sa mga Immigration Officer kaya’t kaagad itong isinailalim sa isa pang inspeksyon.
Ayon kay Tansingco, natuklasan sa karagdagang imbestigasyon na mayroon silang valid tourist visa para sa Dubai at pinangakuan ng trabaho sa UAE nang walang wastong dokumentasyon sa ilalim ng Department of Migrant Workers.
Sa interogasyon ng mga opisyal ng imigrasyon, sinabi ni Tansingco na isa sa mga pasahero ang umamin sa kanyang tunay na layunin na magtrabaho bilang cashier sa Dubai na may ipinangakong suweldo na P22,000 at ang kanyang mga gastos sa paglalakbay ay ibabawas sa kanyang buwanang kita.
Samantala, ang isa pang pasahero ay nagsabi na siya ay na-recruit para magtrabaho bilang isang babysitter.
Sinabi ni BI chief na ang dalawang biktima ay itinurn-over ng mga immigration officer sa inter-agency Council Against Trafficking para sa karagdagang imbestigasyon. EVELYN GARCIA