DALAWA ang patay habang tatlo bumbero ang sugatan sa sunog na tumupok sa sampung kabahayan kahapon ng umaga sa Pasay City.
Sa inisyal na ulat ng Pasay City Bureau of Fire Protection (BFP), kinilala ang isa sa mga nasawi na si Cindy Navarro, 29-anyos, residente ng Tramo St., Barangay 143 Zone 6, Pasay City habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng isang pang namatay.
Ang tatlong bumberong sugatan ay nakilalang sina Aubrey May Bertos, 22-anyos; Rommel Montero at Aeron Aldama, 25-anyos.
Base sa ulat ng hepe ng Pasay BFP na si F/Supt. Jay Bernard Peñas, nagsimula ang sunog dakong ala-5 ng umaga sa ikalawang palapag ng bahay na inookupahan ng isang Jockie Joan Libanan sa 1734 Tramo St., Brgy. 143 Zone 6, Pasay City na biglang sumiklab ang apoy sa bahay nito at mabilis na kumalat dahil sa gawa lamang sa light materials ang kabahayan.
Batay sa ulat, nakita si Navarro na ibinigay ang kanyang maliit na anak sa asawa nito para mailabas ng bahay subalit nakulong ang biktima at hindi na ito nakalabas pa na naging dahilan ng kanyang kamatayan.
Nahirapan ang mga rumespondeng bumbero sa agarang pag-apula ng apoy dahil ang mga nasunog na bahay ay nasa kalagitnaan ng isang mga nakapalibot na kabahayan na ang tanging papasukan lamang ay isang eskinita.
Patuloy ang pagsasagawa ng mopping up operations sa lugar habang inaalam pa rin ang pinagmulan ng apoy at ang dahilan nito. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.