2 PULIS-PASAY NALAMBAT SA ENTRAPMENT

Debold Sinas

NAHAHARAP sa kasong criminal at administrative ang dalawang pulis ng Pasay matapos na ang mga ito ay mahuli sa isang entrapment operation na is­i­nagawa laban sa kanila ng grupo ng Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group.

Ayon kay NCRPO chief, Brigadier General Debold Sinas, ang dalawang pulis na nahuli ay sina Corporal Reynald Pallangeo at Corporal Jimuel Ilagan Bernal pawang nakatalaga sa Police Community Precinct 7.

Ayon kay Sinas bukod sa dalawang naturang pulis ay nahaharap din sa kaparehong kaso ang kanilang precinct commander na si Police Captain Mark Oyad.

Pahayag ni Sinas, ang entrapment operation ay isinagawa ng IMEG laban sa mga naturang pulis matapos na ang mga bus terminal na matatagpuan malapit sa presinto ay nagreklamo ng extortion.

“Based sa initial report na sinubmit ng IMEG, itong dalawa are used to collect protection money from the ope­rators in that terminal na mula P500 hangang P1,000 depende sa laki ng bus,” pahayag ni Sinas.

Nakuha mula sa mga nahuling suspek ang marked money, isang glock at isang pistol.

Dagdag pa nito, na si Oyad ay agad nai-relieve bilang precinct commander at ito ay dinisarmahan matapos na ituro ng ilang bus terminal operator na kasama sa extortion activity ng mga pulis.

Ang mga naturang pulis ay kasalukuyang nasa kustodiya ng IMEG. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.