DALAWA katao na umano’y kilalang drug pushers ang inaresto ng mga miyembro ng Las Piñas City police matapos na ang search warrant ay isinilbi laban sa kanila at ang mga ito ay nahulihan ng may P714,000 halaga ng shabu noong Lunes ng gabi.
Sa unang isinagawang operasyon ng mga miyembro ng Station Intelligence Section (SIS) isinilbi nila ang search warrant laban sa suspek na si Rogelio Roxas, 43, ng Brgy. Talon Uno.
Ayon sa pulisya ang search warrant na inisyu ni Las Piñas Regional Trial Court Executive Judge Elizabeth Guray, ng Branch 202 ay inihain laban kay Roxas dakong 8:15 ng gabi at nahulihan ito ng P408,000 halaga ng shabu na nakalagay sa loob nang apat na malalaking plastic bag na abot sa 60 gramo.
Bukod sa shabu ay nahulihan din si Roxas ng isang baril na replica ng isang .9mm caliber na may magazine at loaded ito ng 12 ammunition.
Matapos ang 45 minuo ang SIS ay muling nagsilbi ng search warrant laban kay Ramil Espiritu, 53, ng Block 5, Lot 13, Mother Earth Subdivision, Barangay Talon Dos, Las Piñas City.
Si Espiritu ay nahulihan ng mga miyembro ng SIS ng 10 maliliit na heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng shabu na may halagang P306,000 na nasa 45 gramo. MARIVIC FERNANDEZ