CEBU – DALAWANG sanggol ang nasawi sa magkahiwalay na insidente sa Davao City at Mandaue City.
Ayon sa Davao City Police Office, dead on the spot ang 10-buwang sanggol nang salpukin ng motorsiklo ang sinasakyang tricycle ng mag-ina sa Barangay Mintal, Tugbok District.
Lumitaw sa pagsisiyasat ng Tugbok Police, halos magkasabay na nag-overtake sa parehong lane ang dalawang behikulo subalit dahil mas mabilis ang motorsiklo na minamaneho ng nakainom na si Christian Joy Tawaay ay nasalpok nito ang hulihang bahagi ng tricycle.
Sa lakas ng pagka-kabunggo ay tumilapon ang sanggol na nakakanlong sa harapan kasama ng kaniyang ina.
Ayon kay Capt. Jonathan Calubag, deputy station commander ng Tugbok Police Station, natumba sa kanal ang tricycle at hindi namalayan ng ina ng bata na nabitawan na pala niya ang anak.
Samantala, hinihinalang nasawi naman ang kasisilang na sanggol nang abandonahin ito sa national highway sa Barangay Basak, Mandaue City.
Nadiskubre ang bagong silang na sanggol bandang alas-6:00 ng umaga ng Huwebes, Agosto 22, na nakasilid sa shopping bag at iniwan sa bangketa sa Sitio Riles.
Nakakabit pa ang pusod ng sanggol na natagpuan ng isang concerned citizen ayon sa Mandaue City Police Station.
Inaalam pa ngayon ng awtoridad kung mayroong closed circuit television na maaring magsilbing instrumento para kilalanin ang nag-iwan sa sanggol. VERLIN RUIZ