ILOCOS NORTE- TATLO katao kabilang ang dalawang senior citizens at isang menor de edad ang aksidenteng napatay ng isang doktor nang mawalan ito ng kontrol sa kanyang minamanehong Sport Utility Vehicle habang binabagtas ang national road sakop ng bayan ng Pasuquin sa lalawigang nitong Sabado.
Kinilala ng Pasuquin PNP ang mga nasawi na sina Dese Laureta, 65-anyos; apong si Irish Clemente, 14-anyos at James Buted, 63-anyo na pawang naninirahan sa Barangay Davila ng nasabing bayan.
Sa inisyal na ulat bandang alas-11:30 kamakalawa ng umaga habang binabagtas ng suspek na si Anselme Ang, 30-anyos ang national highway papuntang Norte, sinubukang nitong unahan ang isang sasakyan na nasa right outer lane subalit nawalan ito ng kontrol.
Ayon sa hepe ng Pasuquin police na si Maj. Vencioly Luzano, nabangga ng SUV ang isang naka-park na motorsiklo, kulong-kulong (trike) na minamaneho ng matandang lalaki at naglalakad na maglola matapos mag-overtake sa outer lane ng national highway sa Barangay Davila.
Nabatid na ang suspek ay isang ophthalmologist mula San Juan, Metro Manila na kasalukuyang naninirahan sa Barangay Callaguip sa Batac City.
Ligtas naman ang sakay ni Ang na si Kimberly Borja, 27-anyos, pediatrician ng Fairview, Quezon City, Metro Manila.
Si Clemente ay idineklarang dead on the spot habang nalagutan ng hininga sina Laureta at Buted habang nilalapatan ng lunas sa Governor Roque B. Ablan Sr. Memorial Hospital sa Laoag City.
Nahaharap si Ang sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide at damage to properties under the Revised Penal Code habang pansamantalang nasa kustodiya ng Pasuquin PNP. VERLIN RUIZ