2 SUNDALO BULAGTA SA MGA REBELDE

DEAD-2

NORTH COTABATO – KARIT ni kamata­yan ang sumalubong sa dalawang sundalo ng Philippine Army makaraang tambangan ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa liblib na bahagi ng Sitio Bukatol sa Barangay Konawayan, bayan ng Arakan, kama­kalawa ng hapon.

Apat na bala ng M-14 armalite rifle ang tumapos sa buhay ng mga biktimang sina Private Lendo Borja, 26, ng Brgy. Ballon sa bayan ng Saint Bernard, Southern Leyte; at Private James Paul Dekara, 24, ng Barangay Socorro sa Catalogen City, Samar, kapwa sundalo na nakatalaga sa 19th Infantry Battalion ng Philippine Army.

Base sa police report, magkaangkas sa motorsiklo ang mga biktimang patungo sa Barangay Kinawayan mula sa kanilang kampo ng Aplha Company ng PA sa Barangay Salasang nang tambangan ng mga rebelde.

Nabatid na makiki pag-ugnayan sa mga opis­yal ng barangay at pulisya ang mga biktima kaugnay sa nalalapit na peace rally sa nasabing barangay nang makasalubong si kamatayan.

Narekober sa ambush site ang ilang bala ng M-16 rifle habang sinusuyod nang militar ang kabundukan ng nabanggit na bayan para tugisin ang grupo ng NPA na tumambang sa dalawang sundalo. MHAR BASCO

Comments are closed.