SAMAR – APAT katao kabilang ang dalawang sundalo ang nasawi sa sagupaan kahapon ng umaga sa Barangay Olera, Calbayog City.
Ayon kay Maj. Bard Caesar P. Mazo , 8th Infantry Division Public Affairs Office-OIC, naganap ang sagupaan bandang alas-7:15 ng umaga nang masabat ng mga tauhan ng 43rd Infantry Battalion ang isang grupo ng mga armadong lalaki na umano’y miyembro ng New People’s Army (NPA) sa bisinidad ng Brgy. Olera, sa Calbayog City.
Patay agad ang dalawang tauhan ng CPP-NPA na pinamumunuan ni Salvador Nordan aka Badok/Gahi na nasa ilalim ng Sub-Regional Committee Emporium nang maaktuhan sila habang nangongolekta ng revolutionary tax, pagkain at pera sa mga residente.
Tumagal ng dalawang oras ang bakbakan na ikinasawi rin ng dalawang tauhan ng 43IB.
Nang maramdamang nalalagasan na ang kanilang hanay at sa takot na abutan ng reenforcement ay umatras na ang mga rebelde at inabandona ang dalawang kasamahang nasawi sa laban.
Narekober ng militar ang dalawang (2) M14 Rifles.
Ang dalawang sundalo na malubhang nasugatan ay unang inilikas ng Philippine Air Force Tactical Operation Wing Central para madala sa pinakamalapit na pagamutan subalit nalagutan din ng hininga pagsapit sa hospital.
Ayon kay Maj. Gen. Pio Q. Diṅoso III AFP, Commander, 8ID, ng Philippine Army, na nakalulungkot na kailangan pang magbuwis ng buhay ng dalawang sundalo at ikamatay rin ng 2 pang NPA ang maling paniniwala na ikinakalat ng CPP-NPA. VERLIN RUIZ
Comments are closed.