BINIGYANG-PUGAY ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) ang ginawang pag-aresto ng Philippine National Police– Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa dalawa katao na responsable sa panloloko at ilegal na pag-solicit ng campaign fund para sa BBM-Sara UniTeam na umabot na sa milyon-milyong pisong halaga.
Ayon kay retired Gen. Thompson Lantion, secretary-general ng PFP, malaking bagay ang ginawa ng PNP-CIDG upang masugpo ang mga grupong nagsasamantala para lamang makapag-solicit ng ilegal sa kandidatura ng standard bearer ng partido na si Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. at running-mate na si Inday Sara Duterte.
“We commend the leadership of PNP chief Gen. Dionardo Carlos and PNP-CIDG chief Maj. Gen. Albert Ferro for a job well done. Umaasa kaming mahihinto na ang pagsasamantala sa ating mga kababayan, lalo na ang milyun-milyong taga-suporta ng BBM-Sara UniTeam,” ani Lantion.
Sa press conference sa Camp Crame, sinabi ni Ferro na ang suspek na sina Reynaldo Llorin, 64; at Rolly Balazon, 53, kapwa residente ng Omicron Street, RT Gonzales Village, Quezon City ay naaresto ng CIDG-National Capital Region sa pangunguna ni Police Col. Randy Glenn Silvio.
Ayon kay Gen. Ferro, bukod tanging tambalan nina BBM at Sara lamang ang target ng sindikato dahil sila ang mga nangungunang kandidato at halos tiyak na ang tagumpay sa national elections.
“Dahil UniTeam ang pinakamalakas na kandidato ngayon sa nalalapit na halalan kaya sila rin ang paboritong gamitin ng sindikato sa pangongolekta ng pera sa ilegal na paraan,” sabi ni Ferro.
Nabatid na bukod sa matagal nang nakatatanggap ng sumbong ang pulisya hinggil sa multi-milyong peso scam, isang private complainant din ang dumulog sa tanggapan ni Col. Silvio dahil sa pagso-solicit ng mga suspek ng pera para sa kampanya.
Kaagad nagsagawa ng entrapment operation ang grupo ni Silvio na naging daan upang maaresto ang mga suspek, samantalang dalawang kasamahan nito ang patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad.
Sila ay kinilalang sina Isidro Sososco, kagawad ng Bgy. Aurelio, San Jose, Dinagat Island; at Ma. Buen Bajar Castillo na tumatakbo ngayong municipal councilor ng San Jose, Dinagat Island.
Sinabi ni Ferro na ang mga suspek ay nagpapakilalang mga pinuno ng Bangon Bagong Maharlika Movement na nagpapakilalang kaalyado ng BBM-Sara UniTeam, bagay na itinanggi ni Lantion.
“Wala po kaming grupo na pinapayagang mag-solicit sa ating mga kababayan. Kaya nananawagan kami sa mga taga-suporta ni BBM na mag-ingat sa mga ganitong klaseng modus. Huwag po kayong matakot magreport dahil tiyak mahuhuli sila ng ating mga awtoridad,” sabi pa ni Lantion.
Ayon sa report, karamihan sa nabibiktima ng mga suspek ay mga independent mayoralty candidate sa mga probinsiya at overseas Filipino workers (OFWs).
Pinapangakuan ng mga suspek ang mga lokal na kandidato na ieendorso ng UniTeam, kapalit ng malaking halaga ng salapi, habang ang mga OFW at ibang pribadong kompanya ay hinihingan din nila ng pera bilang pandagdag pondo umano sa kampanya ng tambalan.
Samantala, pinasalamatan din ng PFP ang ipinalabas na pahayag ni Ferro na kasama sa ginagawa nilang imbestigasyon ngayon ay kung ang grupo ng mga suspek ay sangkot din sa sinasabing ‘assassination plot’ laban kay BBM.