SA HALIP na tuluyang i-ban, itinutulak ng dalawang kongresista ang pagpapataw ng excise tax sa fireworks at firecrackers.
Sa House Bill 1517, ipinanukala nina Ako Bicol party-list Reps. Alfredo Garbin, Jr. at Elizaldy Co ang pagpapataw ng 20% na excise tax sa mga paputok at pailaw.
Layunin ng panukala na amyendahan ang Presidential Decree No. 1994, kung saan ipinapataw ang buwis na P30 per kilogram ng paputok.
Naniniwala ang dalawang kongresista na kung papatawan ng dagdag na buwis ang mga paputok ay magdadalawang-isip na ang publiko na bumili dahil uunahin nila ang kanilang mga pangunahing pangangailangan.
Umaasa sina Garbin at Co na mababawasan ang firecracker-related injuries lalo na tuwing sasalubungin ang Bagong Taon.
Anila, mas mainam ito kaysa sa tuluyang pagbabawal sa mga paputok dahil maaaring sa black market naman maglipana ang mga paputok at pailaw.
“Banning firecrackers is not the proper approach because that would only create a black market for these products. It is much better that they be sold out in the open but under strict regulations and taxes,” wika ni Garbin.
Sakaling maging batas ay ilalaan ang makokolektang buwis sa Department of Health (DOH) at Philhealth para sa emer-gency at post-ER recovery fund ng mga nabiktima ng paputok o kaya ay sa kanilang firecracker safety information cam-paign.
“Remember that public funds are spent whenever people are treated at government hospitals for firecracker injuries. The government should have some way to properly recover that cost and to conduct public campaigns on responsible use of firecrackers and fireworks,” dagdag ni Garbin. CONDE BATAC
Comments are closed.