20% INSENTIBO SA BARANGAY OFFICIALS SA PQUE

Edwin Olivarez

MAGBIBIGAY si Pa­rañaque City Mayor Edwin L. Olivarez ng insentibo sa mga opisyal ng barangay at kanilang mga tauhan sa bawat magbabayad ng multa sa mahuhuling lumalabag sa health protocols laban sa COVID-19.

Ayon kay Olivarez, ang 20% ng multang ibabayad ng mga lalabag sa naturang protocol na ipagkakaloob sa mga opisyal ng barangay ay nararapat lamang dahil isinasakri­pisyo at inilalagay nila ang kanilang buhay sa peligro sa pagpapatupad ng probisyon na may kaugnayan sa COVID-19 para na rin sa kaligtasan at kasiguruhan ng mga residente sa lungsod.

Ito ay makaraang ipasa at aprubahan ng Sangguniang Panglungsod ng Parañaque ang isang ordinansa na magpaparusa sa mga lalabag sa health protocols sa pamamagitan ng pagbabayad ng multa o pagkakulong na may kaugnayan saCOVID-19.

Sa naturang ordinansa, binibigyan ang mga opis­yal ng barangay gayundin ang mga tauhan nito ng responsibilidad upang mahigpit na ipatupad ang parusa sa sinumang mga residente na susuway sa health protocols.

Gayundin, nakapaloob sa ordinansa na ang mga ibabayad ng mga lumalabag  ay ipatutupad sa pamamagitan pag-iisyu ng official violation receipt (OVR), citation tickets, o iba pang opisyal na notice of violation na kokolektahin ng City Treasurer at ang 20% nito ay mapupunta sa mga humuling opisyal ng barangay.

Sinabi ni Olivarez na ang lokal na pamahalaan ay mahigpit na ipinatutupad ang pagsusuot ng face mask at face shield at iba pang kahalintulad na protective equipment sa mga lugar ng pinagtatrabahuhan at pampublikong transportasyon habang nasa ilalim ang lungsod sa public health emergency.

Idinagdag pa ni Olivarez na ang mga lalabag sa unang pagkakataon sa naturang ordinansa ay pagbabayarin ng multang P1,000 na may kaakibat na  8 oras na community service o 6  na oras na pagkakabilanggo.

Sa mga lalabag naman  sa ikalawang pagkakataon ay pagbabayarin ng P3,000 at mayroong kasamang 11 oras ng community service o 9 na oras na pagkakakulong habang sa mga residenteng lalabag sa ikatlong pagkakataon ay magbabayad ng multang P5,000 na may kasamang 14 na oras ng community service o katumbas ng 12 oras na pagkakakulong. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.