20 POWER OUTAGES NAITALA NG MERALCO SA ELECTION DAY

MERALCO 2

HINDI bababa sa 20 outage incidents ang naitala sa franchise area ng Manila Electric Co. (Meralco) kahapon, araw ng eleksiyon.

“We have so far recorded 20 outage incidents, most of which were isolated troubles,” pahayag ng Meralco.

Ayon sa kompanya, ang mga brownout ay agad na natugunan at mabilis na naibalik ang suplay ng koryente.

Sinabi ng power distributor na ang mga apektadong lugar sa Metro Manila ay ang Sta. Ana, Sta. Mesa, at Tondo sa Manila, Valenzuela City, Batasan sa Quezon City, at Talon sa Las Piñas City.

Apektado rin ng power outages ang Cavite City, Naic, at Amadeo sa Cavite; Batangas City; Hagonoy, San Francisco, at  San Jose del Monte sa Bulacan; at Antipolo at Cainta sa Rizal.

“As of 12 noon, power has been fully restored in all affected areas,” ayon sa Meralco.

Ang Meralco ay nasa ‘full alert’ hanggang sa pagtatapos ng eleksiyon.

“Our crew, field personnel and customer care groups immediately respond to calls from election officers,” sabi pa ng kompanya.

Samantala, nakapagtala naman ang National Electrification Administration (NEA) ng 201 power interruptions sa buong bansa, mula alas-4 ng umaga hanggang alas-11 ng umaga, kahapon.