LUNGSOD NG MALOLOS – Tumanggap ang nasa 200 Bulakenyong overseas Filipino workers na bumalik sa bansa sa iba’t ibang di inaasahang kadahilanan o ang mga tinatawag na ‘displaced’ at ‘distressed’ ng tulong pangkabuhayan mula sa P2 milyong pondong kaloob ng Department of Labor and Employment Region III sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito kamakailan.
Sinabi ni Acting Governor Daniel Fernando na isa itong paraan ng pasasalamat sa mga makabagong bayani dahil sa pagsisikap sa ibang bansa para lamang mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga pamilya.
“May mga pagkakataong dumadating na hindi natin inaasahan, may mga nagkakaproblema sa kompanya, biglang napapauwi, ‘pag ganon, nalalagay rin sa alanganin yung pamilya dito, kaya kahit papaano nais nating makatulong at salamat sa DOLE dahil hindi sila nagsasawang tumulong sa atin,” pahayag ni Fernando.
Ayon kay Elizabeth Alonzo, pinuno ng Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office (PYSPESO), na sila ang humanap at kumilala sa mga benepisyaryo at namahagi sa mga ito ng starter kits bilang panimulang paninda sa kanilang sari-sari store bilang tulong sa pamilya ng mga nasabing OFW.
“Laman ng pack na ipinamigay ‘yung basic commodities, may bigas, noodles, kape, gatas, sabon mga ganon. Sana magamit nila ito talaga para sa panimulang pandagdag sa kani-kanilang kabuhayan,” ani Alonzo.
Nagpasalamat naman si Carol Dayrit mula sa Calumpit at maybahay ng isang OFW na pinauwi mula sa Dubai para sa tinanggap na package.
“Nagkaproblema po kasi s’ya doon sa Dubai tapos nauwing bigla, kaya ako po ay nagpapasalamat dahil sa gitna ng kahirapan namin, may tulong po kaming natatanggap kasi mahirap po yung hindi ka handa eh,” pagbabahagi ni Dayrit. A. BORLONGAN
Comments are closed.