200 METRIC TONS NG DIESEL AANGKATIN NA SA RUSSIA

RUSSIA IMPORT

MAG-AANGKAT na ang Filipinas ng 200 metric tons ng diesel sa Russia at ibang non-Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC) oil suppliers, ayon sa isang opisyal ng DOE ka­makailan.

Sinabi ni Energy Undersecretary Felix William Fuentebella na ang Philippine National Oil Company – Exploration Corporation ay nagsimula nang magproseso ng pag-aangkat sa Russia bagamat nagbabala sila na sa pagdating ng supply na tatagal lamang ng tatlong araw ay hindi kinakaila­ngang magbaba ng presyo ng domestic fuel.

“It’s too small, but what we are saying is that’s stockpiling. It will support the minimum inventory requirement, so this is more about energy security,” pahayag ni Fuentebella.

“Nonetheless, we will explore this process so that in the end, it will help in lowering the prices.”

Sinabi rin niya na kahit maliit ang supply para magpababa ng domestic fuel prices, ito ay magsisimula ng kompetisyon. Idinagdag pa niya na ang gobyerno ay naniguro na ng stockpiling facility, kasama na ang isa sa Subic.

“It’s out-of-the box in a way. That is why we really have to closely scrutinize this,” sabi niya.

“We are exploring all these different venues to circumvent the current practice of non-OPEC and OPEC [suppliers]. We are utilizing the government-to-government relationship.”

Nagsimula nang maramdaman ng mga konsumer ang kurot ng pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado na nakabigat pa ang mataas na excise tax na ipinatupad sa ilalim ng tax reform law.

Sinabi ni Fuentebella na ang pinakamadaling paraan para mapagaan ang dalahin ng mga mami­mili ay sa pamamagitan ng fuel and cash subsidies na ibinigay sa ilalim ng tax reform law.

Dinepensahan na ng gobyerno ang pagpapatupad ng mataas na excise tax sa krudo, at sinabing ito ay bahagi lamang ng overall price ng petrolyo. Sinabi ni budget Secretary Benjamin Diokno na ang Pinoy ay dapat “less of a crybaby” pagdating sa presyo ng petrolyo at ang excise tax.

“We are not going to keep this money in the treasury. We are going to benefit from this. It is for the poor,” sabi niya.

Sa tanong kung ano ang masasabi sa pahayag ni Diokno, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi kinokonsidera ni President Rodrigo Duterte ang mga Filipino na “crybabies.”

“The President recognizes that there are hardships because of the spike in fuel prices and, consequently, other basic goods,” sabi ni Roque.

“He cannot turn his back on the impoverished people who voted for him.”

Comments are closed.