BASAG ang bungo, sinunog at inabandona sa isang disyerto sa Kuwait ang Pinay domestic worker na si Jullebee Ranara, 34 taong gulang.
Ang umano’y salarin – ang 17-anyos na anak na lalaki ng kanyang mga amo sa Al Jahra, Kuwait.
Pang-ilang domestic worker na ba mula sa Pinas ang humantong sa ganitong pangyayari? Ilang ulit na ba? At bakit parang paulit-ulit nga?
Noong 2018, may nilagdaan tayong kasunduan o memorandum of agreement kasama ang Kuwait, sa ilalim ng administrasyong Duterte. Ito ay para matiyak ang seguridad at kapakanan ng ating domestic workers sa kanilang bansa.
Matatandaan ng noong Enero 2020, idineklara ni dating Pangulong Digong ang total ban sa OFW deployment sa Kuwait, matapos ang karumal-dumal na pagpaslang sa isa na namang Pinay domestic worker na si Jeanelyn Villavende.
Buwan ng Pebrero ng nasabi ring taon, napagkasunduan ang partial lifting ng deployment ban, sa kondisyong dapat ay makapagpalabas ang pamahalaan ng Kuwait ng status report sa mga kaso ni Villavende, gayundin sa iba pang Filipina domestic workers na minaltrato, inabusong sekswal at pinatay sa kanilang bansa.
Sa kaso ni Ranara, ilang kasamahan natin sa Senado ang humiling na muling suspendehin ang deployment ng Pinoy workers sa Kuwait. Ito ay dahil nga sa paulit-ulit na pangyayari sa mga kababayan natin doon na inaabuso at pinapatay ng kanilang amo o ng sinumang salarin.
Suhestiyon nga rito ni Senator Cynthia Villar, maaari namang humanap ng ibang bansang mapapasukan ang mga domestic workers, huwag lamang sa Kuwait. Hindi lamang, aniya, dahil sa maliit na pasuweldo roon, kundi maging sa sunod-sunod na insidente ng pagpatay sa ating mga kababayan.
Siguro nga, panahon na para bisitahin muli, busisiin o kaya’y repasuhin ang 2018 MOU natin with Kuwait. Dito natin mapagtitibay kung dapat ngang magdeklara tayo ng deployment ban sa kanilang bansa.
Sa pahayag naman ng Department of Migrant Workers o DMW, hindi pa napapanahon ang pagdedeklara ng total deployment ban dahil sumasailalim pa sa masigasig na imbestigasyon ng ating vice consul, assistant labor attaché at ng welfare officer ang kaso ni Ranara. Naging cooperative din daw ang Kuwaiti government sa pagresolba sa kaso na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Isa rin sa problema, ayon naman kay DMW Secretary Toots Ople ay dahil menor de edad ang salarin, kaya inaalam pa raw nila kung ano ang sinasabi ng Kuwait law hinggil sa mga minor na sangkot sa mga karumal-dumal na krimen.
Matatandaan na taong 2018, nadiskubre ang bangkay ng 29-anyos na si Joanna Demafelis sa isang freezer sa loob ng isang apartment sa Kuwait. Ang responsible sa krimen, ang kanyang mag-asawang ano; taong 2019, inabuso, minaltrato at pinatay rin ang domestic worker na si Constancia Dayag at noong 2020, pinatay rin ng kanyang among babae si Jeanalyn Villavende.
Kung nakikita natin ang sunod-sunod na pagwawalanghiya sa ating mga kababayan sa bansang Kuwait, mas makabubuti talagang repasuhin o muling pag-aralan natin ang 2018 MOU. Marami na silang paglabag at ito ay maaaring maging basehan ng ating gobyerno sa pagdedesisyon sa OFW deployment sa nasabing bansa.