BINAWASAN ng 14.63% ang budget ng Department of Public Works and Highways para sa 2019 dahil sa cash-based budgeting system.
Sa pagharap ni Public Works and Highways Secretary Mark Villar sa budget hearing ng Kamara, bumaba sa P544.521 bilyon ang pondo ng ahensya sa 2019 kompara sa P637.86 bilyon ngayong taon o aabot sa P95.2 bilyon ang itinapyas sa budget ng DPWH.
Ayon kay Villar, marami silang mga binago at ginawang adjustments para sa mga proyekto ng DPWH bunsod na rin ng cash-based budgeting kung saan kailangang gastusin sa loob ng taon ang inilaang pondo.
Aniya, kung ano lamang ang madi-disburse para sa 2019, iyon lamang ang mga proyekto na kanilang inilagay.
Inamin ni Villar na dumagsa ang maraming reklamo ng contractors sa kanyang tanggapan dahil posibleng mahirapan ang mga ito na mangutang sa mga bangko dahil sa cash-based budgeting system.
Aminado rin ang kalihim na malaking hamon para sa ahensya ang bagong sistema ng budget pero nangako ito na gagawin nila ang lahat para sa pagsasakatuparan ng “Build, Build, Build” Program ng Duterte administration.
Sa kabila nito, tiniyak ni Villar na magkakaroon pa rin naman sila ng mga proyekto sa ilalim ng multi-year obligation authority o mga proyektong higit isang taon bago makompleto. CONDE BATAC
Comments are closed.