(2019 PBA All-Star Game) NORTH VS SOUTH

Calasiao Sports Center

CALASIAO – Mu­ling magsasalpukan ang pinakamahuhusay sa PBA para sa  regional pride, prestige at bragging rights sa pagbabalik ng liga sa North vs South match sa 2019 All-Star Game ngayong araw sa Calasiao Sports Center.

Pangungunahan nina Arwind Santos, Alex Cabagnot, Gabe Norwood at Troy Rosario, pawang All-Star MVP winners, ang North All-Star cast, habang sina James Yap, Terrence Romeo, Baser Amer at Asi Taulava ang MVPs na magbibida sa South roster.

Sa unang pagkakataon ay magsisilbing All-Star coaches sina Louie Alas ng Phoenix at Caloy Garcia ng Rain or Shine,  kung saan ang una ang magmamando sa North team na target ang ika-5 sunod na panalo sa ilalim ng North-versus-South format.

Magkakaroon ng special appearance sina Benjie Paras, Ronnie Magsanoc, Alvin Patrimonio at Jerry Codinera, mga participant sa event nang una itong idaos noong 1989,  sa  Calasiao match na maaaring pumukaw sa mga alaala ng inaugural All Stars sa Ultra (PhilSports Arena ngayon) sa Pasig.

Sasamahan nina Paras at Magsanoc ang koponan ni Alas na kinabibilangan din nina Calvin Abueva, Japeth Aguilar, LA Tenorio, Paul Lee, Marcio Lassiter, Jason Perkins, Stanley Pringle, Jayson Castro, Chris Banchero at Mark Caguioa.

Sina Patrimonio at Codinera ay makakasama ng South team na kinabibila­ngan nina  June Mar Fajardo, Greg Slaughter, Scottie Thompson, Mark Barroca, RR Pogoy, Chris Ross, PJ Simon, Jio Jalalon, JP Erram at Mac Belo.

Sina Paras at ­Patrimonio ay kapwa All-Star MVP winners noong kanilang panahon.

Tinalo ng South team ang North, 108-105, sa initial staging ng regional format noong 1992 sa Ultra kung saan naging MVP si Alvin Teng.

Subalit nanalo ang North ng walo sa sumunod na 11 North-versus-South games.

Bago ang All-Star Game ay ang Shooting Stars event.

Sa half, isang 10-minute 3×3 contest ang dagdag atraksiyon kung saan maglalaro sa magkabilang panig sina Patrimonio at Codinera. Sina dating Lyceum stars CJ Perez ng  Columbian at Jesper Ayaay ng Alaska ay makakasama ni  Patrimonio sa isang koponan, habang sina dating Red Lions Robert Bolick ng NorthPort at Javee Mocon ng Rain or Shine ang magiging kakampi ni Co­dinera.

Comments are closed.