ANG 2023 panukalang P5.268 trilyong ‘National Expenditure Program’ (NEP) ni Pangulong Marcos ay may laang pinakamalaking badyet sa tren — P113.99 bilyon o halos limang beses kumpara sa P23.12 bilyon lamang ngayong 2022.
Ito ang pahayag ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee.
Sinabi ni Salceda na sa ilalim ng panukalang 2023 NEP, na isinumite sa Kamara nitong nakaraang linggo, ‘idinedeklara ni Pangulong Marcos na balik na ang tren bilang mahalagang transportasyon at inihudyat na niya ang pasimula sa programang “Build Better More.”
Bilang pangunahing may-akda ng ‘House Resolution’ na pormal na nagsusulong sa ‘infrastructure spending targets’ at nagbigay rito ng pangalang “Build Better More” (BBM), sabi niya hudyat din ito na sadyang itinutulak ni Pangulong Marcos ang ‘national backbone projects,’ ang pamanang mga impraestriktura sa mga rehiyon at lalawigan ni dating Pangulong Duterte na may bilang na mga 20,000.
Pinuna ni Salceda na habang ang estratehiya ni PRRD ay ilipat sa mga lalawigan ang yaman ng bansa, ang kay PBBM naman ay gawing lalong kapaki-pakinabang ang mga ito sa pamamagitan ng mabisang pag-uugnay sa kanila ng lalong pinalawak sa saklaw ng mga riles at tren.
“Tumitingkad ang imahen ni Pangulong Marcos bilang ‘Big Ticket Project President,’ kaugnay lalo na sa malalaking proyektong tren gaya ng isinasaad sa 2023 NEP kung saan P113.99 bilyon ang laang badyet para dito,” dagdag niya.
Ipinaliwanag din ni Salceda na ang malaking bahagi ng P380-bilyong ‘unprogrammed appropriations’ para sa mga proyektong may ayuda mula sa ibang bansa ay manggagaling sa mga pondong hiram para sa mga proyektong tren. Sa ilalim ng NEP tinatantiya itong aabot sa P108 bilyon.
Pinuna rin ng mambabatas ng Albay na tila malaki ang tiwala ng administrasyon na matatanggap ang pondong hiram na puhunan para sa mga proyektong tren, gaya ng ‘Bicol Railway’ na muling pinag-uusapan na ng pamahalaan at China, kaya madali itong mapasimulan agad sa sandaling mapagkasunduan na.
“Pinakamalaki ang badyet para sa mga proyektong tren sa ilalim ng panukalang 2023 NEP, kumpara sa lahat ng naging pangulo ng bansa kaya maituturing na ‘Railways President’ si Pangulong Marcos, at kung ito’y tuloy-tuloy na, magiging ‘President of the Golden Age of Trains’ sa bansa si PBBM,” dagdag niya.
Ayon kay Salceda, ang panukalang 2023 badyet ay “tiyak na magpapasimula na sa paggulong ng ‘Build Better More era,’ at ang tren ay tiyak din na pinaka-murang sistema ng transportasyong panglupa bawat kilometro, para sa mga tao man o kargada, at maliwanag na marami nito ang gusto ng Pangulo.”
Pinasalamatan ni Salceda si Transportation Secretary Jaime Bautista sa pagpapanatili niya sa Bicol Rail sa adyenda ng DOTr, at umapela rin siya kay Finance Secretary Ben Diokno na patuloy niyang isulong ang ‘Bicol Rail loans.
Nakikipag-ugnayan siya sa DOTr para sa pagtatatag ng Legazpi-Daraga Tramway, na ang gagamitin ay ang dating riles ng PNR na tumatagos sa bayan ng Daraga at Lungsod ng Legazpi.