2024 BUDGET APRUB NA SA BICAM

INAPRUBAHAN na ng bicameral conference committee ang General Appropriations Bill (GAB) na naglalaman ng P5.768-trillion national budget para sa 2024.

Sinabi ni Senate finance committee chair Sonny Angara na ang pinal na bersyon ng panukalang batas ay hindi naglalaan ng confidential at intelligence funds (CIF) para sa mga non-security agencies.

Ang mga kumpidensyal na pondo para sa Office of the Vice President at Department of Education ay hindi pa rin kasama.

“Yes, wala na. Nagdagdag kami ng budget pero hindi confidential funds […] Nilipat sa mga security agencies,” ani Angara.

Samantala, nagpasalamat naman si House committee on appropriations chair Ako Bicol party-list Representative Elizaldy Co sa mga senador sa pagsang-ayon sa bersyon ng Kamara sa CIF.

“Natutuwa kami sa buong Senado at nag-agree po sila at pinatunayan nila na walang mangyayaring katulad ng haka-haka na may mangyayari sa bicam na maibabalik ang confidential funds, especially sa education,” ani Co.

“Hindi ho ito naibalik and na-sustain ho natin ‘yong kagustuhan ng ating mga kababayan na iwasan na po ‘tong confidential, controversial fund.”

LIZA SORIANO