ISANG two-time Olympian, isang dating PBA Rookie of the Year, isa sa most accomplished collegiate coaches sa bansa, isang one-time college star na nakagugulat na hindi nakapaglaro sa PBA, at isang cage icon na tinitingala ng Filipino basketball fans.
Ilan sila sa malalaking pangalan na aalalahanin sa San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Awards Night sa Lunes sa grand ballroom ng Diamond Hotel.
Sina FIBA World Cup bronze medalist Antonio ‘Tony’ Genato, 1994 top PBA rookie Emmanuel ‘Boybits’ Victoria, champion coach Loreto ‘Ato’ Tolentino, Letran legend Fernando ‘Dong’ Libed, at beloved cage legend Avelino ‘Samboy’ Lim ay kabilang sa mga ang alaala ay gugunitain sa formal proceedings sa Enero 29.
Ang sportswriting fraternity ng bansa na pinamumunuan ng presidente nito na si Nelson Beltran, editor ng The Philippine Star, ay magkakaloob ng saglit na parangal at mag-aalay ng maikling panalangin sa 21 sports personalities na sumakabilang-buhay noong 2023.
Aalalahanin din sina PBA players Terry Saldana, Ricky Mariano, Rudy Enterina, and Manuel ‘Molet’ Pineda, dating PBA chairman Rey Gamboa, Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) president Ed Picson, dating sports commissioner at national player Tisha Abundo, at Rodolfo Tingzon, father of youth baseball sa bansa at dating congressman.
Kasama rin sa mga aalalahanin sina football player Yoro Sangare, boxer Kenneth Egano, Adamson deputy softball coach Estanislao ‘Sarge’ Terrones, former sports editor and columnist Nap Gutierrez, motoring host at columnist Butch Gamboa, at E-sports personalities Rob Luna, Charles Dave ‘Chad Devs’ Dela Pena, at Ivan Emmanuel ‘Navi’ Gacho.