21K PAMILYA, LGU, HOSPITAL AT IBA’T IBANG MGA INSTITUSYON NABIGYANG TULONG NG PCSO NOONG 2022

MAHIGIT  21,000 pamilya, mga lokal na pamahalaan, government hospitals, at iba pang institusyon ang nabigyan ng tulong sa pamamagitan ng iba’t ibang programa sa ilalim ng Philippine Charity Sweepstakes Office noong 2022.

“Sa pamamagitan ng iba’t ibang programa sa ilalim ng Charity Fund, nasa 21,421 na pamilya, LGU, government hospital, at iba pang institusyon ang nabigyan ng tulong noong nakaraang taon. Asahan po ninyo na magpupursigi pa kami para mahigitan ito at mas marami pa sa mga kababayan nating nangangailangan ang masasandigan ang PCSO,” ani PCSO chairman Junie E. Cua.

Nabatid kay Cua, ang bilang na ito ay nasa 716 porsiyentong pagtaas mula noong 2021, kung saan 2,624 na pamilya, LGU, ospital, at institusyon ang nabigyan ng tulong ng PCSO.

Ayon sa yearend report ng PCSO, umabot sa P818,827,204.60 ang tulong sa mga benepisyaryo na ito, na inilabas sa pamamagitan ng iba’t ibang programa ng PCSO sa ilalim ng Charity Fund, tulad ng Institutional Partnership Program (IPP); Endowment Fund Program (EFP); Medical Transport Vehicle Donation Program (MTVDP); Medical Equipment Donation Program (MEDP); Calamity Assistance Program or CAP; Out-patient Services (OPS); Medicine Donation Program (MDP); Medical and Dental Mission (MDM); at Employees Consultation and Management (ECM).

Kabilang na rin dito ang 376 Patient Transport Vehicles (PTV) na nagkakahalaga ng P747,415,000.00 na naibigay sa iba’t ibang LGU sa buong bansa, kasama ang P28.3 milyon na donasyon sa pamamagitan ng IPP sa 62 welfare agencies at charitable medical facilities sa buong bansa.

Samantala, sa pamamagitan ng CAP, kabuuang P8,584,000.00 ang inilaan para sa 20,318 pamilyang naapektuhan ng mga sakuna mula Enero hanggang Marso 2022. Umabot din sa kabuuang P8,997,325.00 ang inilabas sa pamamagitan ng Corporate Social Responsibility initiatives ng PCSO, para sa iba’t ibang aktibidad ng CSR.

Nauna rito, inihayag ng PCSO na direktang tinulungan nito ang 255,520 indigents at financially incapacitated individuals sa ilalim ng kanilang flagship Medical Access Program (MAP) na may P2,012,581,440.96 na tulong noong nakaraang taon.

Kumpiyansa naman si Cua sa patuloy na pagbangon ng bansa mula sa Covid-19 pandemic kung saan magkakaroon ng patuloy na pagtaas sa bilang ng mga Pilipinong nangangailangan na matulungan ng PCSO, na nasa ilalim ng Office of the President.

“Patuloy pong nakikipagtulungan ang PCSO sa pamahalaan, lalo na kay Pres. Ferdinand Marcos, Jr., upang mapalawig pa natin ang bilang ng mga benepisyaryo ng PCSO,” ani Cua.

Nangako rin si Cua na gagawing mas accessible ng mga Pilipino ang PCSO, partikular ang mga humihiling ng tulong sa pagbabayad ng mga gastusing medikal sa pamamagitan ng MAP.

Ang MAP ay ang pangunahing programa ng PCSO, na nagbibigay ng tulong sa mga Pilipino katuwang ang gobyerno at mga pribadong ospital, mga pasilidad sa kalusugan, mga retailer ng gamot, at iba pang mga kasosyo.

Ang mga serbisyong sakop ng programa ay kinabibilangan ng confinement, erythropoietin (dialysis injection), chemo drugs, specialty medicines, hemodialysis, laboratoryo (blood chemistry), diagnostic, at imaging procedures, at implant/medical device.