22 MARINO NA-RESCUE SA SUMABOG NA BANGKA

sumabog

NAILIGTAS ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 22 Marino subalit apat sa mga ito ang malubhang nasunog ang katawan nang sumabog ang tangke ng Liquified Petrolium Gas (LPG) sa bangkang sinasakyan patungong karagatan ng Surigao Del Norte.

Sa imbestigasyon ng PCG, umalis ang mga biktima sa Surigao De Norte sakay ng isang fishing boat na FBCA Jhieron Jay 88 upang mangisda sa Pacific Ocean at sa kalagitnaan ng kanilang paglalakbay ay natapon ang dala-dala nilang gasolina at umabot ito hanggang sa engine compartment.

Kumalat sa main engine ang naturang gasolina ma­ging sa iba pang tangke ng LPG na siyang naging dahilan ng pagsabog nito.

Agad na nagtalunan ang mga Marino at inabandona ang bangka hanggang sa na-rescue sila ng FBCA Lovedel sa Hinatu-an Passage na siyang nagreport sa PCG Station sa Surigao.

Nabatid na sa 22 na nailigtas, apat sa kanila ang malubhang nasunog ang katawan habang anim sa kanila ay may minor burns at ang iba pa ay nasa maayos na kondisyon. PAUL ROLDAN

Comments are closed.