UMAKYAT na sa 22 ang bilang ng naitalang nasugatan kabilang ang walong sundalo sa mga pagsabog sa Cotabato City at dalawang bayan sa Maguindanao.
Unang naitala ang grenade explosion bandang alas-6:00 ng hapon sa kanto ng Sinsuat at Quezon Avenues malapit lamang sa Immaculate Concepcion Cathedral Cotabato City na ikinasugat ng walong sundalo na nagpapatrolya, ayon kay Maj. Arvin Encinas, taga-pagsalita ng AFP-Western Mindanao Command.
Hinigpitan ang seguridad na ipinapatupad sa Cotabato City kasunod ng pagsabog ng granada sa naturang lungsod nitong Linggo ng gabi.
Pahayag ni Major Homer Estolas, tagapagsalita ng 6th ID Philippine Army, may mga kabataan na sakay ng isang motorsiklo ang naghagis ng granada sa nagpapatrolyang KM450 military truck malapit sa ICC Cathedral kung saan nagbabantay ang mga kasapi ng Task Force-Cotabato.
Batay sa impormasyon, nasa walong kasapi nito ang sugatan habang inaalam din kung may nadamay ring mga sibilyan.
Natagpuan din ng awtoridad ang dalawang IED at pinasabog sa isang ligtas na lugar kung saan ginamitan ito ng disruptor.
Ayon kay Estolas, wala pa silang grupong natutukoy sa panibagong insidente ng karahasan at kung ano ang motibo nito ngunit tiniyak na ginagawa nila ang lahat upang mapanagot ang mga responsable sa nasabing pagpapasabog.
Isa ring improvised explosive device ang pinasabog sa hindi kalayuang lugar na ikinasugat ng isang nagdaraan.
Samantala, may anim na naitalang sugatan sa dalawang pagsabog na naganap sa Libungan, Cotabato province.
Dalawa naman ang nasugatan sa isa pang pagsabog sa bayan ng Upi, Maguindanao.
Hinagisan din ng bomba ang isang police station sa area subalit hindi ito sumabog.
Higit na pinaigting ang alerto ng militar at pulis kasabay ng ginagawang imbestigasyon lalo pa at walang grupong umaako sa insidente. VERLIN RUIZ
Comments are closed.