UMABOT na ngayon sa mahigit 184,000 ang mga pasyenteng gumaling na mula sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Batay sa case bulletin no. 176 na inisyu ng Department of Health (DOH), nabatid na hanggang 4:00 PM ng Setyembre 6 ay nakapagtala pa sila ng karagdagang 23,074 pasyente na nakarekober na mula sa virus, sanhi upang umakyat na sa kabuuang 184,687 ang total COVID-19 recoveries sa Filipinas.
Samantala, iniulat ng DOH na nakapagtala pa sila ng karagdagang 2,839 bagong confirmed case ng COVID-19 sanhi upang umakyat na ngayon sa 237,365 ang kabuuang bilang ng COVID-19 sa bansa.
“As of 4PM today, September 6, 2020, the Department of Health reports the total number of COVID-19 cases at 237,365. DOH likewise announces 23,074 recoveries. This brings the total number of recoveries to 184,687. A total of 2,839 confirmed cases are reported based on the total tests done by 96 out of 115 current operational labs,” anang DOH.
Kaugnay nito, tinukoy naman ng DOH ang 19 laboratoryo na bigo pang makapagsumite ng kanilang datos sa COVID-19 Data Repository System (CDRS).
Kabilang dito ang AFRIMS- Collaborative Molecular Laboratory (VLUNA), AL Molecular Diagnostic Laboratory, Amosup Seamen’s Hospital, Bohol Containerized PCR Laboratory, Bulacan Medical Center, Butuan Medical Center, Calamba Medical Center, Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium (TALA), Green City Medical Center, Ilocos Training Regional Medical Center (GX), Marilao Medical and Diagnostic Clinic, Mary Mediatrix Medical Center, Philippine Red Cross, Philippine Red Cross – Clark Mol Lab (PAMPANGA), Philippine Red Cross – Logistics and Training- SUBIC, ZAMBALES, Philippine Red Cross – Molecular Biology Laboratory, Philippine Red Cross – PLMC Laboratory, Philippine Red Cross – Port Area at Safeguard DNA Diagnostics.
Ayon sa DOH, sa kasalukuyan ay nasa 48,803 na lamang ang itinuturing nilang active cases ng COVID-19 sa Filipinas, at 88.6% sa mga ito ay mild cases lamang, 8.0% ang asymptomatic o walang sintomas ng sakit, 1.4% ang severe at 2.0% naman ang kritikal.
Pinakarami pa ring naitalang bagong kaso ng sakit sa National Capital Region (NCR), na nasa 1,170; Negros Occidental na nasa 195; Laguna na nasa 190; Cavite na nasa 182 at Rizal na nasa 154.
Samantala, umakyat ang bilang ng mga pasyenteng namatay dahil sa virus sa 3,875 matapos na makapagtala pa ng 85 COVID-19 deaths hanggang kahapon.
Sa naturang bilang, 29 ang binawian ng buhay ngayong Setyembre; 33 noong Agosto; anim noong Hulyo; tatlo noong Hunyo; pito noong Abril at isa noong Marso.
Karamihan sa mga namatay ay mula sa NCR (41 deaths); Region 7 (15); Region 4A (9); Region 8 (4); Region 10 (4); Region 3 (2); Region 5 (2); Region 2 (1); Region 6 (1); Region 9 (1); Region 12 (1); Region 4B (1); BARMM (1); CARAGA (1); at ang isa pa ay hindi batid kung saan nagmula.
Samantala, may 44 pang duplicates ang inalis mula sa total case count, kabilang dito ang 28 recovered cases.
Mayroon ding 27 kaso na unang iniulat na nakarekober ngunit sa pinal na balidasyon ay natukoy na 26 sa mga ito ang namatay na at isa pa ang nananatiling aktibong kaso. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.