HINILING ni House Deputy Minority Leader at Probinsyano Ako party-list Rep. Jose ‘Bonito’ Singson, Jr. sa kanyang mga kapwa mambabatas na pagtuunan ng pansin ang kanyang panukala na nagtatakda ng hanggang 24 buwan mula sa kasalukuyang anim na buwan na probationary period ng mga manggagawa sa bansa.
Ayon kay Singson, ang masaklap na karanasan ng mga manggagawa, gayundin ang mabawasan ang gawain ng mga employer ang pangunahing kinokonsidera ng kanyang inihaing House Bill No. 4802.
“I have been pilloried, subjected to personal attacks and heavily criticized, mostly from progressive-minded labor groups because of my bill. But look, there is now this very sad reality that after the new year’s revelry, more or less two million workers no longer have their jobs and it’s job hunting season anew for them,” sabi ng Probinsyano Ako party-list solon.
Giit ni Singson, dapat nang matuldukan ang hindi katanggap-tanggap at paulit-ulit na pangyayari kapag na- ‘end of contract’ o ‘endo’ ang mga manggagawa bago sumapit ang anim na buwang pagtatrabaho nila.
Ito’y sa dahilang bukod sa naputol ang pagkakataon ng mga empleyado na kumita, sa pag-aaplay nila ng panibagong mapapasukan ay hindi lamang oras at pagod ang gugugulin kundi maging gastos sa hihingin sa kanila na requirements gaya ng barangay, police, NBI at medical clearances at iba pa.
Sa panig ng employers, sinabi ni Singson na maging ang mga ito ay maaaring problemado rin sa muling pagkuha ng bagong empleyado sapagkat kailangan nilang muling magproseo ng mga aplikante, kabilang ang pagbibigay ng pagsusulit, interview, evaluation, pagpapa-medical at iba pa.
Kaya naman pinaninidigan ng kongresista na ang kanyang HB 4802 ay hindi lamang ‘pro-workers’ kundi ‘pro-employers’ din at maituturing na ‘win-win solution’ sa dalawang panig pagdating sa aspeto ng sistemang ‘endo’.
Nilinaw naman ni Singson na sa ipinapanukala niya ay hindi nililimatahan ang employer na mag-regular ng kanyang kawani hanggang maabot ang 24-month probation period.
“There is nothing in my bill stopping an employer from regularizing a probationary employee at any time within the 24-month period of probationary employment,” pahayag pa niya
“What my proposal is prolonging is not the agony of the employee, but rather the continuous income stream of the employee beyond the six-month period,” dagdag ni Singson. ROMER BUTUYAN
Comments are closed.