NAKASUNDO sina Parañaque City 1st District Rep. Edwin L. Olivarez at mga opisyal ng Manila International Airport Authority (MIAA) para sa relokasyon ng 250 informal settlers families (ISF) na naninirahan malapit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) runway sa Barangay Sto. Niño, Parañaque City.
Sa pagpupulong na naganap sa tanggapan ng Manila International Airport Authority (MIAA) nitong Setyembre 23, napagkasunduan nina Olivarez at MIAA General Manager Cesar Chiong na bumuo ng isang technical working committee (TWC) na kikilatis sa mga natitira pang kinakailangan para sa planong relokasyon kabilang na rito ang dokumentasyon at iba pang requirements.
Noong 2010, sumang-ayon ang MIAA na maglaan ng pondo na nagkakahalaga ng P200 milyon para sa relokasyon ng mga ISF ngunit sa kasamaang palad ay hindi natuloy ang proyekto dahil sa kakulangan ng relocation site.
At taong 2013 nang maging alkalde ng lungsod si Olivarez ay nakakuha ito ng 4-hektaryang lupa sa C-5 Avenue na nasasakop ng Barangay La Huerta kung saan naglaan ang MIAA ng inisyal na P100 milyon para mabili ang nabanggit na lupa.
Simula nang mabili ang lupa ay agad na nailikas ang mahigit 300 pamilya na naninirahan malapit sa NAIA runway ngunit mayroon pa ring 250 pamilya ang naiwang naninirahan doon.
Sa naturang pagpupulong ay napagkasunduan nina Olivarez at Chiong na magpapalabas muli ng halagang P100 milyon na commitment ng MIAA para sa konstruksyon ng karagdagang kabahayan sa relocation site sa La Huerta na sa kasalukuyan ay mayroong ng 700 pamilyang nai-relocate sa lugar mula sa iba’t-ibang sulok ng lungsod.
Napagkasunduan din sa naturang pagpupulong na ang TWC ay pangungunahan ni City Administrator Voltaire dela Cruz kung saan kabilang sa komite sina Local Housing Development Office (LHDO) head Engr. Oscar Fernandez; dating Public Information Office (PIO) chief Mar Jimenez at dating hepe ng Parañaque’s Urban Mission Areas Development Office (UMADO) Rodolfo Ojo na mangangasiwa naman sa ISF relocation. MARIVIC FERNANDEZ