NANAWAGAN na ang Department of Budget and Management sa mga walang trabaho na punan ang mga bakanteng posisyon sa gobyerno.
Nananatiling bakante ang nasa 250,000 job positions partikular na sa civil service, military at mga uniformed personnel.
Ayon kay DBM Secretary Benjamin Diokno, naghihintay sa mga Pinoy ang mga trabaho mula sa iba’t ibang ahensiya tulad ng Department of Health (DOH), Department of Justice (DOJ), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ang education sector ang may pinakamaraming unfilled positions na 74,133 sa DepEd na dapat punan ng public school teachers at special education teachers sa K-12 levels, habang mayroon namang 8,930 unfilled positions sa state universities and colleges.
Sa military sector ay nangangailangan ng 34,306 para sa bakanteng posisyon para sa Military and Uniformed Personnel.
Mayroon namang bakanteng 15,278 sa Department of Finance mula sa attached agencies nito tulad ng Bureau of Customs at Bureau of Internal Revenue.
Sa DOH ay may 14,478 unfilled positions para sa health care practitioners katulad ng mga doktor at nurses.
Sinabi pa ni Diokno na nakalikha ang administrasyon ng umaabot sa 235,000 government positions sa civil service at military sa unang taon ni Pangulong Duterte.
Comments are closed.