2,532 LUMABAG SA HEALTH PROTOCOLS DINAMPOT

UMABOT sa 2,532 na lumabag sa ipinapatupad na health protocols ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang nahuli ng Pasay City police sa nakaraang dalawang linggo mula Enero 3 hanggang Enero 16.

Ito ay napag-alaman kay Pasay City police chief Col. Cesar Paday-os na nagsabing kanyang pinaigting ang police mobility sa buong lungsod bunsod ng mabilis na pag-akyat ng bilang ng kaso ng COVID-19 nitong holiday season na naging dahilan ng pagsasailalim ng National Capital Region (NCR) sa mas mahigpit na Alert Level 3 ng hanggang Ene­ro 31.

Sinabi ni Paday-os na sa kabuuang bilang ng mga lumabag na indibidwal, 2,096 sa mga ito ang nasita dahil sa hindi pagsusuot ng face mask, 207 indibidwal ang hindi sumunod sa physical distancing, 143 menor de edad na lumabag sa curfew hour habang 76 naman ang hinuli dahil walang maipakitang vaccination cards.

Ayon pa kay Paday-os, ang kanyang mga tauhan ay magpapatuloy sa kanilang pagpapatrolya sa buong lungsod para i-monitor ang mga residente kung sumusunod sa health protocols at ang mga susuway dito ay kanilang aarestuhin at maiisyuhan ng ordinance violation receipt (OVR).

Idinagdag pa ni Paday-os na mahigpit ang kanilang gagawing implementasyon ng “Oplan Sita” matapos maglabas ng executive order ang pamahalaang lungsod kaugnay sa gagawing pagmo-monitor sa galaw ng mga hindi pa bakunadong residente na lalabas ng bahay maliban na lamang kung may bibilhin ang mga ito ng kanilang pangangailangan.

Samantala, sa CO­VID-19 update ng City Health Office (CHO) ay kapuna-puna ang downward trend ng kaso sa loob ng huling limang araw na nagdaan.

Nitong Enero 14 na report ng CHO ay nakapagtala ang lungsod ng 371 bagong kaso sa kabuuang 3,626 aktibong kaso ng COVID-19 at sa sumunod na araw (Ene­ro 15) ay bumaba ito sa 3,394 aktibong kaso na may 551 na bagong mga nakarecover at kasalukuyang nagpapagaling matapos tamaan ng virus.

Makalipas ang dalawang araw (Enero 17) ay malaki ang ibinaba ng bilang ng kaso na mayroon na lamang 1,858 aktibong kaso kung saan mataas din ang bilang ng recovery ang naitala na nasa 1,106 habang sa pinakahuling update ng CHO nitong Enero 18 ay mayroon na lamang naitalang 1,205 aktibong kaso ng virus at 904 naman ang mga nakarecover sa virus ng CO­VID-19. MARIVIC FERNANDEZ