INIULAT ng Department of Health (DOH) na umakyat na sa mahigit 33,000 ang naitatalang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Batay sa inilabas na case bulletin ng DOH, nabatid na hanggang alas-4:00 ng hapon ng Hunyo 25 ay nakapagtala pa sila ng panibagong 778 kaso, sanhi upang pumalo na sa 33,069 ang bilang ng mga indibiduwal na nagpositibo sa COVID-19 sa bansa.
Sa mga bagong bilang, 415 ang fresh cases habang 363 naman ang mga late case.
Ang mga fresh cases ay yaong na-validate sa nakalipas na tatlong araw habang ang late cases naman ay yaong naitala sa loob ng apat na araw o higit pa.
Samantala, ang magandang balita naman ay nadagdagan pa ng 255 ang bilang ng mga nakarekober sa sakit kaya umabot na sa 8,910 ang kabuuang bilang ng mga gumaling mula sa karamdaman.
Mayroon din namang walong nadagdag sa bilang ng mga nasawi sanhi upang umabot na sa 1,212 ang COVID-19 death toll sa Filipinas. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.