25K ANGKAS RIDERS GUTOM NGAYONG PASKO

ANGKAS-1

IKINALUNGKOT ng Angkas ang kautusan ng Korte Suprema na nagpapahintulot sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hulihin ang rider-partners nito.

Pinigilan ng Korte Suprema ang Mandaluyong Regional Trial Court (RTC) sa pagpapatupad ng direktiba nito na nagpahinto sa pamahalaan na manghimasok sa negosyo ng  app-based motorcycle ride-hailing firm at ng mga driver nito.

“This TRO also puts the livelihood of 25,000 biker-partners at risk—a few days before Christmas, when their families need it the most,” wika ni ­Angkas head of operations David Medrana.

Noong Setyembre ay pina­yagan ng Mandaluyong RTC ang Angkas na ipagpatuloy ang operasyon nito habang nakabimbin ang pinal na desisyon mula sa industry regulators.  Pinigilan ng korte ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at ang Department of Transportation (DOTr) na makialam, direkta man o hindi, sa operasyon ng petitioner.

Kahapon ay ipinag-utos na ng LTFRB ang paghuli sa ­Angkas drivers at operators.

“We are saddened to hear that the Supreme Court issued a Temporary Restraining Order (TRO) on an earlier court decision allowing Angkas to operate,” ani Medrana.

“This comes at a time when hundreds of thousands of commuters need the Angkas service to beat the worsening holiday traffic,” dagdag pa niya.

Ang Angkas ay nag-ooperate sa Maynila, Makati, Pasig, Pasay, at Taguig, gayundin sa mga lugar sa Balintawak, Eastwood, Katipunan, Monumento, New Manila, Quezon City ­Circle, San Juan, SM North at South Triangle.

Ang pamasahe ay nagsisimula sa P50 para sa unang 2 kilometro, at P10 para sa bawat susunod na kilometro, subalit ang presyo ay maaaring mag-iba base sa demand.

“We offer our safety record of 99.997 percent as a potential model for responsible traffic safety nationwide,” giit ni Medrana.

“We will continue our fight to serve commuters in a safe and efficient manner, as well as legitimizing our ri­ders,” dagdag pa niya.

Umaasa ang kompanya na babawiin ng Supreme Court ang kautusan nito at kalaunan ay papabor sa Filipino riding public.

Comments are closed.