27 PAMILYA APEKTADO NG FISH KILL

Fish kill

UMABOT sa 27 pamilya ang apektado ng nangyaring fish kill sa mga fish cage sa Barangay Gabu Sur dito sa lungsod ng Laoag.

Inihayag ni Barangay Chairman Gil Ramos sa nasabing barangay, pawang mga alagang tilapia ang namatay matapos naihalo ang mas maraming tubig mula sa dagat sa fish cages.

Gayundin, kinumpirma ni Ramos na sa mga nagdaang araw ay may ilang tilapia ang naita­lang namatay, subalit nitong linggo lamang ay sabay-sabay na namatay ang maraming tilapiya.

Malaki ang panghihinayang ng mga residente sa nangyari dahil karamihan sa mga ito ay nag-aalaga ng tilapia na kung saan ay inuutang umano nila ang kanilang puhunan at ipinapakain sa mga isda.

Gayunpaman, iniulat na ang mga namatay na tilapia ay agad nilang ibinaon sa lupa dahil hindi na rin ito puwedeng itinda.

Inihayag din ni Ramos na nagtungo na rin ang mga kasapi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa kanilang lugar at nangakong magbibigay ng tulong pero kailangan munang ipro­seso ang mga kailangang dokumento.

Comments are closed.