277 BAGONG RECOVERIES SA COVID-19

covid recover

MAHIGIT na 1,000 ang bilang ng nadagdag sa mga tinamaan ng coronavirus disease  (COVID-19) sa Filipinas.

Sa huling datos ng Department of Health (DOH) hanggang alas-4:00, Martes ng hapon, ay umabot na sa 37,514 ang confirmed cases ng nakakahawang sakit sa bansa.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, 1,080 ang napaulat pang kaso ng COVID-19 kung saan 858 ang “fresh cases” habang 222 ang “late cases.”

“May kataasan po ang naitala nating bilang ng fresh cases ngayong araw na ito lalong-lalo na po sa Region 7. Kaya po sa kasalukuyan, atin pong pinag-aaralan kung ano po ang mga naging dahilan sa mga kasong ito,” pahayag ni Vergeire.

“Ang mga kaso na ating inuulat ngayong araw ay galing lamang po sa submission sa 57 out of our 67 licensed laborato-ries. Ibig-sabihin po ay mayroong karagdagang kaso pa ngayong araw na maitatala natin kapag nag-submit po sila ng ibang mga listahan nila galing sa ibang laboratoryo,” dagdag pa nito.

Nasa 11 pasyente naman ang nasawi kaya ang COVID-19 related deaths sa bansa ay 1,266 na.

Ayon pa sa DOH, 277 ang gumaling pa sa pandemya sa bansa kaya umakyat na sa 10,233 ang total recoveries ng COVID-19 sa Filipinas.

Samantala,  sinabi ng DOH na ang National Capital Region (NCR) pa rin ang masasabing epicenter ng COVID-19 sa  bansa.

Kasunod ito ng na­ging pahayag umano ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na ang Cebu City ang lumalabas na epicenter ng nasabing nakamamatay na sakit.

Paliwanag ni Vergeire sa DOH media forum, base na rin sa pahayag ng ilang eksperto, ang NCR ang sentro ng COVID-19  na kabilang sa itinuturing na hotspots sa bansa.

Giit pa ng opisyal, bagamat tumataas ang kaso sa Cebu City, makikita pa rin ang kapansin-pansin na pag-akyat ng bilang ng mga apektado ng COVID-19 sa kapitolyong rehiyon ng bansa. PAUL ROLDAN

Comments are closed.