29M PINOY NABABAHALA SA FAKE NEWS

PINOY

NASA 29 milyong  Filipino ang nababahala sa talamak na pagpapakalat ng fake news sa internet at maging sa mass media, ayon sa ginawang pag-aaral ng Social Weather Station (SWS).

“Sixty seven percent of Filipinos who use the internet said there is a serious problem with the proliferation of fake news within online sites, while 60 percent expressed grave concern for mass media sites,”  ayon sa SWS.

Sa huling survey ng SWS ay lumalabas na 67 porsiyento o 29 milyong Pinoy ang naniniwala na  seryosong problema ang talamak na pagkalat ng fake news.

Nabatid pa na 42% ng mga Filipino o 44 milyon ang gumagamit ng internet araw-araw at 29 milyon ang nagsabing seryosong problema ang paglaganap ng fake news sa internet.

Naniniwala naman ang 13% na hindi ito seryoso habang 20% ang undecided.

Sa kabuuan, mas mababa ang +54 net score nito kaysa +65 score noong Disyembre 2017.

Samantala, 60% ng mga Filipino ang naniniwalang seryosong banta rin ang fake news sa mass media. Hindi naman ito seryoso para sa 13% at 27% ang undecided.

Naniniwala naman ang 61% na seryoso ang gobyerno sa pagsawata ng fake news sa mass media, gaya ng radyo, telebisyon at diyaryo. Walong porsiyento naman ang nagsabing hindi seryoso ang gobyerno rito, habang 31% ang undecided.

Isinagawa ng SWS ang survey sa 1,200 adult respondents noong Dis­yembre 8-16 at noong Marso 23-27 sa pamamagitan ng face-to-face interviews.

Sa sinasabing 29 mil­yong Pinoy na nagsasabing nakababahala ang pagpapalaganap ng fake news sa internet, 40 percent nito ang nagsabing lubhang malala ang problema sa paglaganap ng fake news habang 26 percent naman ang nagsabing hindi ito gaanong malala, habang may 20 percent ang undecided at 13 percent ang nagsabing hindi ito problema.

Ayon sa SWS, mas maraming  netizen sa  Metro Manila at  Luzon ang naniniwalang malala ang suliranin sa paglaganap ng fake news na umaabot sa 71 percent, habang  68 percent sa  Visayas at  52 percent sa Mindanao kung saan mga college graduate at mga nakabilang sa Classes A, B, and C ang nagpahayag ng pagkabahala.  VERLIN RUIZ