2K COVID-19 VACCINES IBINIGAY SA MARIKINA

IPINAGKALOOB ng lokal na pamahalaan ng Makati City ang 2,000 doses ng kontra COVID-19 na AstraZeneca vaccines sa Lungsod ng Marikina na sumisimbolo ng patuloy ng magandang relasyon ng dalawang lungsod sa ilalim ng Sister Cities program.

Sa Facebook page ng Makati Public Information Office (PIO) ay ipinaskil ng lokal na pamahalaan ang mga larawan ng turnover ceremony kaugnay sa pamamahagi ng AstraZeneca vaccines na tinanggap ng mga opisyal ng Marikina City.

Ayon kay Makati City Mayor Abby Binay, nakahanda siya at ang lokal na pamahalaan na tumulong hindi lamang sa Marikina kabilang ang mga sister LGUs upang mabigyan ng proteksyon ang kanilang mga mamamayan laban sa COVID-19.

Sinabi naman ni City Administrator Claro Certeza, ang Sister Cities program ng lungsod ay esensyal na aksyon hindi lamang para sa pag-unlad ng isang siyudad at makatulong sa mga karatig lungsod at probinsya kundi makatugon na rin sa kalamidad at pandemya na dulot ng COVID-19 gayundin upang mapatatag pa ang relasyon ng mga lungsod.

Base sa record ng International Relations Department ng lungsod nito lamang Enero 2022 ay sinabi pa ni Certeza na ang lungsod ay mayroong kabuuang 549 sister LGUs.

Sinabi pa ni Certeza na bukod sa 549 sister LGUs ay mayroon din ang lungsod na 23 sisterhood ties sa mga banyagang lungsod at munisipalidad kung saan ang karamihan sa mga ito ay naisapormal sa panahon ng administrasyon ni dating Vice President Jejomar Binay.

Noong kasagsagan ng pandemya ay nakapamahagi na rin ang lungsod ng 31,000 vaccines sa ilang sister cities upang mapaigting ang tugon ng pagsisikap laban sa COVID-19.

Idinagdag din ni Certeza na ang lungsod ay nakapagbigay na rin iba’t-ibang uri ng tulong sa kanilang mga sister cities sa buong bansa sa loob ng mga nakalipas na taon. MARIVIC FERNANDEZ