NASA 2,000 ang lumahok sa kauna-unahang Sesame Street fun run na inorganisa ng Metropolitan Manila Development Authority kahapon sa Pasay City.
Ang naturang fun run ay pinangunahan ni MMDA Chairman Danilo Lim kasama ang mascot ng Sesame Street na sina Bert, Ernie, Elmo at Cookie Monster.
Ayon kay Lim, ang naturang fun run ay nagtatampok ng mga obstacle na may mga impormasyon patungkol sa public safety, road safety at waste management.
Layunin na malaman ng mga bata at matatanda ang kahalagahan ng tatlong nasabing impormasyon.
Ipinaliwanag ni Lim na ang mga tao sa likod na kilalang children’s educational show na Sesame Street ay nakipag-usap sa kanila upang tumulong na ibahagi sa mga bata pati na rin sa matatanda ang kahalagahan ng road safety.
“Parang basketball court na may mga obstacle rin. Example, Stage 1, traffic violations, Stage 2 traffic management,” pahayag ni Lim.
Ang mga sumali sa fun run ay masaya ring nagpakuha ng litrato sa mga mascot at nag-enjoy sa mga obstacle kagaya ng kung ano ang nararapat gawin kung may lindol at ang tamang pagbubukod ng basura.
Isa sa mga sumali sa fun run ay si Gellina Maala na dinala ang kanyang anak na babaeng si Noelle upang makita sina Elmo at Cookie Monster na paborito nito sa naturang children show.
“Favorite talaga niya, sa birthday niya her theme is Sesame Street.,” pahayag ni Maala.
Sinabi rin ni Maala na ang pinakaimportante sa nasabing aktibidad ay nagkaroon sila ng pagkakataon na maka-bonding ang kanyang pamilya. MARIVIC FERNANDEZ