WELCOME kay Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., ang hakbang na joint investigation ng PNP at National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa Percy Lapid slay case partikular din sa pagkamatay ng middleman na si Jun Villamor.
Naniniwala si Azurin na positive development ito para magkaroon ng closure ang kaso ng pagpatay sa beteranong brodkaster na si Lapid.
Ani Azurin, patunay din ito na nagkakaisa ang lahat ng kinauukulang ahensiya ng gobyerno para makamit ang katarungan hindi lamang para sa naulilang pamilya ni Lapid, kundi maging sa pamilya ni Villamor.
Paliwanag pa ng PNP chief, kahit na preso si Villamor sa New Bilibid Prison ay may karapatan pa rin ito at hindi makatarungan ang pagkamatay nito dahil dapat ligtas ito sa loob ng piitan.
Kaugnay nito, may limang tao ang itinuturing na Person of Interest ang nakapagbigay ng pahayag sa NBI-PNP joint investigation team kaugnay ng Percy Lapid slay case kabilang ang sinasabing nasa kustodiya ng AFP-ISAFP.
Huling kinunan ng salaysay ang POI na inilipat sa kustodiya ng NBI mula Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP).
Samantala, inaasahang ilalabas naman ni Forensic at Pathologist expert Dr Raquel Fortun ang resulta ng ikalawang autopsy report na ginawa sa labi Villamor.
Inihayag ni Justice Secretary Crispin Remulla na sa susunod na linggo ay posibleng magsasampa na sila ng kaso laban sa mga nasa likod ng pagpatay kay Lapid. VERLIN RUIZ