BINAWI ng Kamara ang pag-apruba nito sa ikalawang pagbasa sa isang bill na nagkakaloob sa ABS-CBN ng provisional franchise hanggang Oktubre ngayong taon makaraang kuwestiyunin ng ilang kongresista ang legalidad nito.
Ipinanukala ni Deputy Majority Leader Wilter Wee Palma ang hakbang kung saan iginiit niya na marami pang mga miyembro ng Kamara ang nais na talakayin ang House Bill 6732.
Pumayag naman ang mga kongresista na i-reconsider ang pag-apruba sa ikalawang pagbasa ng paggagawad ng provisional franchise ng ABS-CBN at ibalik muli ito sa period of interpellation.
Dahil bukas muli sa debate ang ABS-CBN provisional franchise, agad na kinuwestiyon ni Albay Rep. Edcel Lagman ang ginawang proseso ng pag-apruba sa panukala noong Miyerkoles.
Aniya, ipinasa sa first at second reading ang HB 6732 sa parehong araw gayong nakasaad sa Konstitusyon na ang isang bill ay dapat aprubahan sa tatlong pagbasa sa magkakahiwalay na araw maliban na lamang kung certified as urgent ito ng Pangulo.
“No amount of purported or actual passage of some bills in the past on first and second readings on the same day will constitute an unassailable precedent in violation of the Constitution,” wika ni Lagman.
Nanindigan naman si Deputy Speaker LRay Villafuerte na constitutional ang kanilang pagkakaapruba sa provisional franchise ng giant network dahil may precedent o may ganito na ring nangyari noong 10th Congress na naging ganap na batas pa.
Comments are closed.